Pagbuo at Balidasyon ng Interaktibong Modyul sa Pagtuturo ng Florante at Laura
Abstract
Ang pinakalayunin ng pag-aaral na ito ay makabuo ng isang interaktibong modyul sa pagtuturo ng Florante at Laura. Naglalaman ang interaktibong modyul ng mga paksang aralin mula sa obra maestrang Florante at Laura. Kasama rito ang sumusunod: “Kay Selya” , “Sa Babasa Nito”, “Gubat ng Pighati”, “Ang Kabataan at Pag-Ibig ni Florante”, “Ang Pag-ibig at Pighati ni Aladin”, at “Ang Masayang Wakas”. Minabuti ng mananaliksik na ang interaktibong modyul ay iangkla sa inilabas ng Gabay Pangkurikulum ng Kagawaran ng Edukasyon. Gumamit ng disenyong Research and Development ang mananaliksik para sa kaniyang pag-aaral o kilala sa tawag na pananaliksik at pagpapaunlad. Matapos makabuo ng isang interaktibong modyul, ito ay pinabalido sa mga gurong eksperto sa larangan ng panitikan upang masuri at masiyasat ang nilalaman nito. Gumamit ng tseklis ang mananaliksik na nagmula sa LRMDS at ito ay kaniyang minodipika. Binubuo ang tseklis ng Layunin, Nilalaman, Format, Presentasyon at Organisasyon, at Pagsasanay. Lumabas sa resulta ng pagpapabalido na ang Layunin, Nilalaman, Ilustrasyon, Disenyo, Presentasyon at Organisasyon at Pagsasanay ay may mean na 5.00, ang Format naman ay nakakuha ng mean na 4.93. Ang lahat ng bahagi ay mayroong deskripsiyong Lubos na Katanggap-tanggap. Sa kabuuan ng resulta, ang interaktibong modyul ay nagtamo ng kabuuang mean na 4.96 at may deskripsiyong Liubos na Katanggap-tanggap. Samakatuwid, ang interaktibong modyul ay katanggap-tanggap batay sa mga bahagi nito. Matapos ang pagpapabalido, pinagamit ng mananaliksik ang narebisang modyul sa mga mag-aaral sa ikawalong baitang upang malaman ang antas ng pagtanggap dito. Gumamit rin ng tseklis ang mananaliksik na mula sa LRMDS, at naglalaman din ito ng limang bahagi: Layunin, Nilalaman, Format, Presentasyon at Organisasyon at Pagsasanay. Lumabas sa tinuos na datos na ang Presentasyon at Organisasyon at ang Pagsasanay ay parehong nagtamo ng mean na 5.00 na may deskripsyong Lubos na Katanggap-tanggap. Samantala, nagtamo naman ng 4.98 na mean na may deskripsyong Lubos na Katanggap-tanggap ang Nilalaman at Format. Ang Layunin naman ay nakakuha ng 4.95 na mean na may deskripsyong Lubos na Katanggap-tanggap. Ang pinakaresulta ng pagpapagamit ng interaktibong modyul sa mga mag-aaral sa ikawalong baitang sa kabuuan ay may mean na 4.98 at may deskripsyong Lubos na Katanggap-tanggap. Sa kabuuan, naging maganda ang kinalabasan ng paggamit ng interaktibong modyul sa pagkatuto at pagtuturo sa mga mag-aaral dahil katanggap-tanggap ito batay sa mga bahagi.